Pinapayagan ng Yelp na magbigay ang mga user ng iba't-ibang uri ng nilalaman, kagaya ng mga reviews, larawan, video, kaganapan, boto, payo, direktang mensahe, at iba pa. Hindi naman mahirap maging mabait, pero para sigurado, gumawa na din kami ng pangkalahatang tuntunin. Nakikiusap kami na basahin ang mga tuntunin sa ibaba tungkol sa samu't-saring nilalaman na pwede mong maidagdag sa site.
Kinakikitaan ng sinseridad ang mga pinakamagagandang reviews. Naglalahad ito ng mga makabuluhang kwento, kinapupulutan ng maraming detalye, at pinagmumulan ng isa o dalawang payo na talagang nakatutulong sa mga mamimili. Ito ang ilan pang mahahalagang bilin para makapagsulat ng magagandang reviews.
Dapat direktang nauugnay sa negosyo at kumakatawan sa karaniwang karanasan ng mga kostumer ang mga larawan at video (halimbawa: ano'ng itsura ng negosyo, ano'ng mga inaalok ng negosyo, atbp.).
Kung nagdagdag ka ng larawan o video na nagpapakita ng kakaiba at personal na karanasan sa pagbisita sa isang negosyo (halimbawa: masayang grupo ninyong magkakaibigan habang nasa gimikan, langaw sa sopas mo), posibleng tanggalin namin 'to mula sa gallery ng larawan ng negosyo, pero makikita pa din 'to kasama ng review mo kung magsulat ka man nito para sa negosyong 'yon.
Nauunawaan namin na mahalaga ang makapagtanong at makakuha ng sagot tungkol sa mga negosyo mula mismo sa komunidad. Pero, gaya nga ng sabi ng iba, ang bawat karapatan ay may kaakibat na responsibilidad. Heto ang ilan sa mga paalalang kailangang isaalang-alang sa tuwing makikipag-ugnayan sa iba.
'Wag kang mahiya — gamitin mo ang account profile mo para ipaalam sa mga tao kung sino ka at kung saan ka interesado. Gusto ng mga user na nagbabasa ng mga reviews mula sa mga taong kilala at pinagkakatiwalaan nila (at hindi iyong mga taong bakante ang profile o kaya'y puno ng malalaswang nilalaman).
Ang Talk ay lugar para sa masaya, bukas at matapat na usapan tungkol sa mga nagaganap sa iyong komunidad. Madaling sumali sa usapan at magdagdag ng post sa Talk, pero mag-ingat sa mga nilalagay na post dahil hindi na ito pwedeng burahin. Malaki ang maitutulong ng paghinto nang saglit para pag-isipan ang sasabihin mo. At dahil importante sa'min ang tiwala at ang pagiging matapat, mas mahigpit kami sa mga taong nanggugulo sa kapayapaan ng komunidad nang hindi nagpapakilala kaysa sa mga taong naninindigan ng kanilang opinyon.
May feature para sa pagpapadala ng mensahe ang Yelp na pwede mong gamitin para makipag-ugnayan sa mga kapwa mo yelper. Una sa lahat, huwag gamitin ang feature na ito para manggulo ng ibang user o magpadala ng mensaheng hindi angkop ang nilalaman. Pangalawa, tandaan na ang mga user account ay para sa personal na paggamit lang at hindi pang-komersyo. Dapat magpadala ng mensahe sa mga sumusulat ng review ang mga may-ari ng negosyo nang gamit ang kanilang libreng account. Para magawa ito, hinihiling namin na mag-upload sila ng malinaw na litrato nila para maging mas personal ang kanilang mensahe.
May nasagap ka ba'ng bonggang balita tungkol sa mga kaganapan sa barangay mo? Ayos! I-post mo 'to sa mga Kaganapan sa Yelp. Pakiusap, 'wag gamitin ang Kaganapan para sa mga promosyon o para magbebenta. Mas maganda rin kung laging bago ang mga post. Kaya pakiusap, 'wag magdagdag ng kaganapan nang anim na buwan bago ang tinakdang petsa.
Ang mga may-ari ng negosyo ay dapat kasali din. Ilang payong kaibigan: